Ang Gubat ay Toilet Din

Poop in the Forest 2

“NAALALA ko…” kuwento ni Joey, “nu’ng third year haiskul pa ako, nag-Boy Scout Camping kami sa bulu-bundukin ng Tagaytay…

Napapaligiran ang bundok ng gubat na may sari-saring puno, halaman at damo. Sa gilid ng isang matarik na burol kami nagtayo ng tents na kung mali ang paghiga mo, malamang gumulong ka pababa. Ang pinaka-problema, iisa lang ang disenteng toilet sa kampo. Pero sabi nga ng aming Scoutmaster na si Mr. Marquez, bakit daw kami magsisiksikan sa isang toilet, hindi raw ba namin naisip: ‘Ang gubat ay toilet din.’

Parang paanyaya sa isang adventure ang mga katagang ‘yun: ‘Gubat = Toilet’. Kaya sa unang pagkakataon na makaramdam ang sikmura ko ng tawag ng kalikasan, nagyaya ako ng makakasama sa isang adventure sa gubat.

“’Tol, natatae ako,” bulong ko kay Bert; barkada ko. “Samahan mo ako sa gubat.”

“Hindi lang kita sasamahan– tatae din ako,” nakangiting-aso na sagot niya.

Ang base camp ng mga Scoutmaster at nasa paanan ng bundok kaya nagdesisyon kaming lumakad papataas; palayo sa kanila. Habang tumataas ang layo namin, tumatagilid lalo ang bundok. Masakit na ang tiyan, sumasakit pa ang hita sa bawat hakbang namin. Nang hindi na namin matanaw ang mga tent at hindi ko na rin mapigil ang lalabas na bomba , tumango kami sa isa’t isa, “Okey na rito.”

Sabay kaming nagbaba ng salawal ni Bert.

Pag-upung pag-upo namin, parang dalawang malaking bato kaming napa-sirko nang patalikod at gumulong pababa ng bangin labas ang aming mga puwet .

“Hawak sa puno!” sigaw ko kay Bert na dali-daling humablot ng isang payat na sanga. Gumugulong pa ako nang napahawak ako sa binti niya. Instant preno.

Nakaliyad si Bert hawak-hawak ang puno. Nasa paanan niya ako. Nakapit sa kanyang binti. Para kaming baging na pinagkabit-kabit sa gilid ng bangin.

Hagikgikan kaming parang mga hyena sa katatapos na eksena. Nakaligtas kami sa kapahamakan.

Parang huklubang matanda kaming tumayo pagkatapos at itinuloy ang aming misyon. Humanap kaming muli ng tamang lugar para dumumi: Pumuwesto sa gawing kanan ko si Bert. Isang dipa ang layo namin sa isa’t isa. Nakaupo kami paharap sa itaas ng bundok. Nakahawak sa isang sanga ng punongkahoy sa aming harapan. Nakatingala sa mga ulap. At sabay na umiire.

Alam n’yo ba na mahirap maghanap ng tubig sa gubat? Hindi lang panghugas ng puwet. Mahirap ding maghanap ng tubig na maiinom. Halos isang araw na pala akong hindi umiinom ng tubig. Noon ko nadiskubre, kapag hindi ka nga uminom ng eight glasses a day, titigas ang pupu mo. ‘Yun na nga. Sintigas ng hawak kong sanga ang laman-loob na na pinipilit kong palabasin. At ayaw niyang lumabas.

Si Bert, tikom ang bibig sa kanan ko. Tumotorotot naman ang kanyang likuran ng isang jazz fussion melody na parang duet between Chuck Mangione at Miles Davis. Nakapikit siyang nagsa-sound trip. Bumabaho na ang paligid.

Bad trip na sound trip.

Ang mukha ko naman ay parang nilukot na papel sa hirap sa pag-ire. Ang bomba, kalahati nasa loob, kalahati nasa labas. Bawat exhale ko sa ibaba, lalabas siya. Kada-singhot ko naman ng hangin, pumapasok siyang muli.

“’Isa..’” naisip ko “…isang matinding ire ang kailangan ko.”

Humigop ako ng isang galong hangin, pinuno ang aking dibdib. At sabay… “Ahhhhhhhhhhhhhhhh!!!!!!”

Nagliparan ang ‘sanlibong ibon mula sa mga puno.
Napalingon patungong gubat si Scoutmaster Marquez mula sa base camp.
Nagulat- at biglang nadilat si Bert na napahiga sa ebak niya.
Sa sobrang higpit ng hawak ko sa sanga, nabali ito sa pag-ire ko.
At sa isang iglap naulit ang eksena kanina—
gumugulong na naman kami ni Bert pababa ng bundok.

Nakikita ko ang ulap. Tapos lupa. Ulap. Lupa. Ulap. Lupa.

“Sanga…” gumugulong ako na nagsasalita “…sanga…. Bert… kapit …. Sanga”.

Kada talbog ng katawan namin sa lupa, may sumisigaw ng ‘Aray!’ ‘Aw!’ ‘Araguy!’

“Wa…” sagot ni Bert “…lang…. sanga… Araguy!”

Hindi ko na alam ang mga sumunod na nangyari.
Natatandaan ko lang para kaming rumaragasang landslide ni Bert pababa ng bundok.

Ilang rolyo ko pa, biglang nagdilim na ang paligid.

“FLAKKK!” – umuga ang utak ko sa malakas na sampal.
“Joey! Gising! Huy!” dagundong ng boses ni Scoutmaster Marquez.

Unti-unti kong minulat ang aking mga mata. Nakahiga na ako sa basecamp. Nakatayo ang iba pang boy scouts papaikot sa akin na nagtatawanan. Nakangiti rin si Bert, basa ang buhok na parang kaliligo lang.

Hinawakan ko ang mukha ko na nasampal. Hinawakan ko ang nananakit kong katawan.
“Dugo…” nasabi ko sa sarili na humihikbi. “Tulungan n’yo ko,Ser,” garalgal na ang boses ko. “Puno ako ng dugo…”.

Tumayo siya si Mr. Marquez sa pagkakaluhod. Pinunasan ang palad niya ng panyo.
“Hindi yan dugo, Joey,” iling niya na pinipigilan ang galit…
‘”Tae mo ‘yan.”

(LJI031614)

photo via

Marso 16, 2014. Mga Marka: , . Dekada OTSENTA, I THOUGHT utot.

Mag-iwan ng Puna

Be the first to comment!

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Trackback URI

%d bloggers like this: