PASKO: Noong Unang Panahon

Disyembre 18, sa isang Elementary School:

(ni aLJI) PAGDATING pa lang ni Utoy sa eskuwelahan, napansin na niyang kakaiba ang hitsura ng kuwarto ng Section 4. Halatang hindi agad umuwi kahapon si Miss Kurdapiya, ‘yung titser niyang payat at nakasalamin ng makapal. Nagkabit muna ito ng mga Pamaskong dekorasyon: May maliit na Belen ngayon sa isang sulok na ang katawan ng mga karakter ng Bibliya ay gawa sa nirolyong papel na nagkorteng Mayon Volcano at ang mga ulo nila ay gawa sa isang buong balat ng nilagang itlog na dinisenyuhan ng colored marker para magkaroon ng mukha. Meron ding mga papel na letrang nakasabit sa itaas ng blackboard na nagsasabing “Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon” na puno ng iba’t ibang kulay. Nakapalibot sa buong kuwarto ang napakahabang kabit-kabit na Christmas lights, gaya ng sikat na kabaret sa may tumana na paboritong puntahan ng tatay niya. At sa kabilang  sulok naman, may nakatayong Christmas Tree na gawa sa nakataob na walis tingting. Nakasuksok ang tingting sa isang malaking lata ng Milo na pinuno ng buhangin mula sa ginagawang bagong school building sa tabi. Binalutan naman ang bawat patpat ng tingting ng puting crepe paper at sinabitan ng mga plastic na bolang palawit sa dulo nito. Mukhang pagod nga ang masungit na mukha ni Ma’am, pero may kakaibang ngiti siya nu’ng araw na ‘yun.

Hindi naman magpapatalo si Utoy kay Mis Kurdapiya kung Pasko din lang ang pag-uusapan. Nagtulong sila kahapon ng tatay niyang gumawa ng parol para madala niya sa eskuwelahan. Assignment nila ‘yun. Bilib nga siya sa tatay niya dahil habang gumagawa ito ng parol, panay rin ang tagay nito mula sa isang bilog na Ginebra. Matapos maubos ang pulutang limang isaw at limang paa ng manok, sampung mahahabang patpat na pang-barbecue ang natira. Kinayas ito ng tatay ni Utoy para lumambot. Pinagtali-tali. At parang magic, nakabuo ng korteng bituin si Mang Kanor. Nakatulog na rin ito sa papag nila pagkatapos.

Ilang sandali pa ng paghilik ni Mang Kanor, dumating na ang nanay ni Utoy galing palengke. Bumili ito ng mga papel de hapon na kulay puti. Panay ang sermon nito sa tatay ni Utoy habang binabalot ng papel ang iskeleton na bituin. Ewan ni Utoy kung bakit panay ang talak ng nanay niya, eh, tulog na tulog si Mang Kanor sa mga sandaling ‘yun.  Nanay rin niya ang gumawa ng dalawang buntot ng parol na parang dalawang palda na pang-Kastila na may kakaibang patterns. Ikinabit ito ng nanay niya sa mga kanto ng parol na kaiga-igayang tignan lalo na pag-ihip ng hangin. “Eto na anak, may parol ka na,” sabi ni Aling Lidia na parang bumait bigla nang kausapin ang anak. “Ingatan mo para maisabit din natin sa bahay pagkatapos ng Christmas Party n’yo sa eskuwela.” Hinaplos ni Aling Lidia ang buhok ng anak na ikinangiti nilang pareho.

Lahat ng mga kaklase ni Utoy ay ganito rin ang kuwento; merong mga dalang parol kinabukasan na iba-iba ang kulay. Iba-iba ang laki. Iba-iba ang disenyo. Lahat ito gawa ng mga tatay at nanay nila– ng pamilya– dahil ang mga tunay na parol hindi naman nabibili sa tindahan, ginagawa lang bahay.

Ang pinakahihintay ni Utoy sa araw na ito ay ang bunutan para sa “monito-monita”. Gumupit si Miss Kurdapiya ng maliliit na papel at isinulat niya rito ang pangalan ng bawa’t estudyante niya. Umikot sa buong kuwarto si Miss at pinabunot ang bawa’t kaklase ni Utoy sa isang kahon. “Ang mabubunot n’yo ay magiging monito o monita ninyo!” tili ni Miss Kurdapiya na ikinangiwi ng bawat batang nakarinig.

May hiling si Utoy:  Sana mabunot niya ‘yung “crush” niyang si Jocelyn. Maputi, mabait at nasa Row 1 dahil pangalawa sa pinakamatalino sa klase nila. Sa tradisyon kasing ito, may pagkakataon si Utoy na  magregalo sa monita niya ng kung anu-anong bagay sa buong isang linggo bago ang Christmas Party. Bawat araw may theme na ibibigay si Teacher: “Sa Lunes, mamimigay kayo ng ‘Something Sweet’ sa kung sino man ang mabubunot ninyo,’” nakakabinging sabi ni Miss habang papunta sa Row 4, sa tabi ng basurahan, sa upuan ni Utoy.

Isip ni Utoy  agad, “Ah! Chocolate ang ibibigay ko kay Jocelyn! Choc-nut! …Isang plastic!..???

—Mahal yata.–Tatlo na lang, para ‘I Love You.’”

“May sinasabi ka, Utoy?” tanong ni Miss Kurdapiya. “Nagmumura ka na naman?”

“Ah, hindi po ma’am.”

“Bumunot ka na, bago kita mapingot.”

Pumikit si Utoy. Bumunot habang nagdarasal: “Jocelyn…Jocelyn.”

Binuksan niyang dahan-dahan ang nakatuping papel… at napabulong siya ng mahinang “Putang ina…”

Hindi nga lahat ng pangarap natutupad.

Nabunot niya ang pangalan ni Miss Kurdapiya.

“Something sweet… para kay Ma’am?

“Alam ko na:

“PANUTSA!

“…Putsang buhay ‘to, o.”

(parol photo: marexflores.net )
About these ads

Disyembre 18, 2009. Mga Marka: , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , . TIMEtravel.

Mag-iwan ng Puna

Magpasimuno sa pagpuna!

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Bakas-pabalik URI

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

%d bloggers like this: