Noong Unang Panahon…

carabao

KUNG sino man ang nagsulat nito (definitely NOT ME. It was sent via email), salamat nang malaki at naipaalala niya kung ano ‘yung mga bagay na nami-miss naming medyo “mature” na at kung ano ang nami-miss ng mga bata ngayon. Totoo nga mahirap ibalik ang nakaraan pero pwede namang balik-balikan.

Noong unang panahon…

Si Nanay ay nasa bahay pag-uwi namin galing sa paaralan.

Walang mga bakod at gate ang magkakapit-bahay, kung meron, gumamela lang.

10 sentimos o diyes lang ang baon: singko sa umaga, singko sa hapon.

Merong free ang mga patpat ng ice drop: buko man o munggo.

Mataas ang paggalang sa mga guro at ang tawag sa kanila ay Maestro/a.

Di binibili ang tubig, pwedeng maki-inom sa di mo kakilala.

Malaking bagay na ang pumunta sa ilog para mag-picnic, o kaya sa tumana.

Grabe na ang kaso pag napatawag ka sa principal’s office o kaya malaking kahihiyan kapag bagsak ka sa exams.

Simple lang ang pangarap: makatapos, makapag-asawa, mapagtapos ang mga anak…

Pwedeng iwan ang sasakyan at ibilin sa hindi mo kakilala; wala namang lock ang mga jeep na Willy’s noon.

Mayroon kaming mga laruan na gawa namin at hindi binili: trak-trakan (gawa sa rosebowl ang katawan at darigold na maliit ang mga gulong, “sketeng” (scooter) na bearing na maingay ang mga gulong at de-sinkong pako para sa preno; patining na pinitpit na tansan lang na may 2 butas sa gitna para suotan ng sinulid (pwede pang makipag-lagutan) ; sumpak, pilatok, boca-boca, borador, atbp.

Di nakikialam ang mga matanda sa mga laro ng mga bata: kasi laro nga iyon.

Maraming usong laro at maraming kasali: laste, gagamba, turumpo, tatsing ng lata, pera namin ay kaha ng Philip Morris, Malboro, Champion (kahon-kahon yon!)

May dagta ang dulo ng tinting na hawak mo para makahuli tutubi, nandadakma ka ng palakang tetot, pero ingat ka sa palakang saging dahil sa kulugo.

Butas na ang sakong ng Spartan mong tsinelas – suot mo pa rin.

Namumugalgal ang pundiya ng kansolsilyo mo kasi nakasalampak ka sa lupa.

Sa modernong buhay at sa lahat ng kasaganaan sa high technology.. . di ba minsan nangarap ka na rin… mas masaya noong araw!

Sana pwedeng maibalik…

Takot tayo ngayon sa buhay. Kasi maraming napapatay, nakikidnap, maraming addict at masasamang loob…

Noon takot lang tayo sa ating mga magulang at mga lolo at lola. Pero ngayon, alam na natin na mahal pala nila tayo kayat ayaw tayong mapahamak o mapariwara.. . Na una silang nasasaktan pag pinapalo nila tayo…

Balik tayo sa nakaraan kahit saglit…

Bago magkaroon ng internet, computer, at cellphone.

Noong wala pang mga drugs at malls.

Bago pa nauso ang counter strike at mga game boys.

Tayo noon…

Doon …

Tinutukoy ko ang harang taga o tumbang preso kapag maliwanag ang buwan.

Ang pagtatakip mo ng mata pero nakasilip sa pagitan ng mga daliri pag nanonood ka ng nakakatakot sa  “Mga Aninong Gumagalaw”

Unahan tayong sumagot sa Multiplication Table na kabisado natin, kasi wala namang calculator.

Pag-akyat natin sa mga puno; pagkakabit ng kulambo, lundagan sa kama.

Pagtikwas o pagtitimba sa poso; pingga ang pang-igib ng lalake at may dikin naman ang ulo ng babae.

Inaasbaran ng mga suberbiyo.

Nginig na tayo pag lumabas na ang yantok-mindoro o buntot-page.

Nai-sako ka rin ba? O kaya naglagay ka ba ng karton sa pwet para hindi masakit ang tsinelas o sinturon?

Pamimili ng bato sa bigas; tinda-tindahan na puro dahon naman; bahay-bahayan na puro kahon; naglako ka ba ng ice-candy o pandesal noong araw?

Karera sa takbuhan hanggang maubos ang hininga; pagtawa hanggang sumakit ang tiyan.

Meron pa bang himbabao, kulitis at pongapong? O kaya ang lukaok, susuwi at espada?

“‘Susmaryosep” ang nadidinig mo pag nagpapaligo ng bata…

“Estigo santo” kapag nagmamano.

Mapagod sa kakalaro, minsan mapalo; matakot sa “berdugo” at sa “kapre”.

Tuwang-tuwa kami pag tinalo ang tinale ni itay kasi may tinola!

‘Yung crush mo?

‘Pag recess: mamimili ka sa garapon ng tinapay -alembong, taeng-kabayo o biscocho?

Pwede ring ang sukli ay kending Vicks (meron pang libreng singsing) o kaya nougat o karamel.

Kung gusto mo naman – pakumbo o kaya kariba, mas masaya kung inuyat.

Puriko ang mantika, at mauling na ang mukha at ubos na ang hininga mo sa ihip kasi mahirap magpa-rikit ng apoy.

Madami pa…

Masarap ang kamatis na piniga sa kamay at lumabas sa pagitan ng daliri para sa sawsawan; ang palutong pag isawsaw sa sukang may siling labuyo; ang duhat kapag inalog sa asin; ang isa-sang isubo ang daliri kasi puno na ng kanin…

Halo-halo: yelo, asukal at gatas lang ang sahog.

Sakang ang lakad mo at nakasaya ka kasi bagong tuli ka; o naghahanap ka ng chalk kasi tinagusan ang palda mo sa eskwelahan.

Lipstick mo ay papel de hapon.

Labaha ang gamit para sa white-side-wall na gupit.

Naglululon ka ng banig pagkagising; matigas na amirol ang mga punda at kumot; madumi ang manggas ng damit mo kasi doon ka nagpapahid ng sipon, di ba? Pwede rin sa laylayan…

May mga program kapag Lunes sa paaralan.

May pakiling kang dala kung Biyernes kasi magi-isis ka ng desk.

Di ba masaya? Naalala mo pa ba?

Wala nang sasaya at gaganda pa sa panahon na ‘yon…

Masaya noon at masaya pa rin tayo ngayon habang inaalaala iyon…

‘Di ba noon…

Ang mga desisyon ay ginagawa sa awit na “Sino ba sa dalawang ito? Ito ba o ito?” Pag ayaw ang resulta di ulitin: “Sino ba sa dalawang ito? Ito ba o ito?”…

Awit muna: “Penpen de Serapen, de kutsilyo, de almasen. How how the carabao batuten…”

Presidente ng klase ay ang pinakamagaling, hindi ang pinaka-mayaman.

Masaya na tayo basta sama-sama kahit hati-hati sa kokonti.

Nauubos ang oras natin sa pagku-kwentuhan, may oras tayo sa isat-isa.

Naaasar ka kapag marami kang sunog sa sungka; kapag buro ka sa pitik-bulag o matagal ka ng taya sa holen.

‘Yung matatandang kapatid ang pinakaayaw natin pero sila ang tinatawag natin pag napapa-trouble tayo.

‘Di natutulog si Inay, nagbabantay pag may trangkaso tayo; meron tayong skyflakes at Royal sa tabi at pahihigupin ng mainit na Royco.

Kung naaalaala mo ito… nabuhay ka na sa

KAPAYAPAAN!

Pustahan tayo nakangiti ka pa rin!

Kung naka-relate ka sa lahat ng nabanggit sa itaas, ibig sabihin lang niyan ay…
MATANDA ka na rin! He he he!

Pero kung hindi ka maka-relate, tanungin mo lolo, lola, tatay, nanay mga tiyuhin at tiyahin mo at siguradong mapapangiti rin sila.

more reminiscing…

(photo from pbiongriffin)

Hunyo 20, 2009. Mga Marka: , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , . TIMEtravel.

Mga Puna

  1. dhyoy replied:

    simple lang ang buhay non noh… haizzz sana inabutan ko ;)

  2. anakngpating replied:

    una sa lahat dahil may kutob na ko na isang mabuting ama ka na rin kuya eh babatiin na lang kita ng maligayang tatay ngayon..mas maganad ap rin ang happy tatay’s day ehhe..un na lang heeh..

    lahat yan alam ko kasi nakwento na yan ng tatay at nanay ko..
    ang diyes na baon alam ko rin hehe..dahil un daw ang baon nila nung panahon nila..

    ang dami talagang pinag kaiba ng simpleng buhay noon sa ngayon..

    sa lahat kuya ng entry mo eto ang pinaka gusto ko, naka relate ako pero di ibig sabihin nun eh ganun na rin ako katanda hehe..peace..

  3. frenchy replied:

    salamat po. happy father’s day din sa tatay mo, iha.

  4. bernardumali replied:

    natanggap ko rin to, nakakamiss nga ang panahon noon.

  5. Lyds78 replied:

    nakikinig ka rin ba ng “Gabi ng Lagim” tuwing brown-out at naglalaro ng mga anino sa liwanag ng kandila? Pagalingang magkuwento ng nakakatakot habang nakatalukbong kayong magkakapatid sa iisang kumot tapos may biglang mapapa-utot kaya takbuhan kayo palabas? Ngayon, hindi mabubuhay ang mga tao pag walang kuryente.

    Ginagawang laro ang trabaho sa bahay. Ang paglalampaso nagiging sakay-sakayan sa basahan, lugi ang taga-hila. Ang pag-iigib na ginagamitan ng kariton, kumpleto ang magkakapatid sa pagtutulak. Pag nagge-general cleaning, ang mga mesa ay nagiging sasakyan, ang mga sopa ay barko at ang sahig ay dagat kaya isang buong araw na ang nakalipas ay hindi pa kayo tapos maglinis, hehe.

    Naranasan ko ring maisilid sa sako, mapalo ng tsinelas, makurot sa singit, kaya takot akong galitin ang mga magulang ko. Ang masama, natuto akong maglihim sa kanila.

    Hay naku, gawan ko na lang siguro ng sariling post ang mga karanasan ko, nakaka-relate ako sa mga isinulat mo pero marami pa akong dagdag, hehe. Napaghahalata…

  6. frenchy replied:

    Gabi ng lagim? Naaalala ko ‘yun.

    Pero mas peborit ko “Guni-guni”…
    “Paglalakbay ng iyong diwa…
    Sa dako paroon…
    Pagsaksi sa mga pangyayaring…
    ‘Di sukat akalain…”
    Awoooooooo-uuuuuuu–wuuuuuu-wuuuuuu< alulong ng aso.

  7. snowflakesandme replied:

    haha. nakahabol pa ko sa panahong ito.. buti 80s ako pinanganak. oo, yung gumamela lang ang gate ng mga bahay. classic. buti natapos ako ng high school na di pa uso ang cell phone. classic talaga ang panahong lumipas.

  8. scannedthoughts replied:

    thanks snowflakesandme. naalala ko tuloy,
    dalawa lang yata ang option pagdating
    sa mga gate at bakod noon, either
    gumamela o bougainvilla. tapos laging
    may mahabang upuan sa tabi na gawa sa
    pinulot na kahoy. pang-istambayan ba.
    haaay, memories.

  9. Noong Unang Panahon Part 3 « scanned thoughts replied:

    […] More reminiscing… […]

  10. maria angel replied:

    What!!!! hindi to hinahanap ko eh….I mean sinaunang pamumuhay ng mga ninuno ng mga pilipino….

  11. Arthel Jane Margate replied:

    a0….. wew…
    heh…..

  12. fancyface0891 replied:

    Nkakapangiti nga ito..
    Umuuwi ako ng nkapaa dahil nalagot ang tsenelas ko paghahagis sa lata ng tumbang preso. Lagi kaming talo sa syato kaya ang haba ng sigaw namin ng shaaaaaaaaaaatoooooooooo!
    Pudpod din ang sapatos ko sa eskwela dahil sa piko at step no…

    Salamat sa pagpapaalala. :)
    ( yung gabi ng lagim di ako mkalabas ng bhay sa sobrang takot ko hahhaha)

  13. ronald replied:

    talaga nga nmn dapat nung unang panahon sana wala ng mga ganyan dapat itanong natn sa mga lola ntin o lolo kung totoo ang mga kababalaghang nagaganap noong unag panahon hahahhahahahahahhahahahhahahahha………………… totoo yan dapat itanong ntin sa nakakatanda

  14. scannedthoughts replied:

    @ronald
    tama ka ron. dapat tanungin na natin ngayon ang nakatatanda dahil kokonti na lang ang mga lolo at lola na natitira. ‘pag may nakasalubong kang matanda, tanungin mo na. then, update mo kami dito. hehe. thanks for reading.

  15. scannedthoughts replied:

    @fancyface
    Aha! Tumbang preso player ka rin pala! Pareho tayo na laging nakapaa dahil ang sapatos at tsinelas noon, laruan din. Hahaha. Thanks.

  16. scannedthoughts replied:

    @ Artel Jane
    saO…lew…meht (salamat) sa pagbabasa :)

  17. Enaj Azenio replied:

    hahahaha nakakamiss talaga noong unang panahon

  18. shineji jhanna jimenez replied:

    gravi nkakatakut kya…

  19. shineji jhanna jimenez replied:

    sna mkita kuh na ang hnhanap kung mga knta
    awooooooooo…..

  20. scannedthoughts replied:

    Hi, shineji. ano bang kanta ang hinahanap mo? i’m sure nasa youtube na ‘yan. or use google. lahat ng nawawalang galling sa nakaraan, nasa internet na. so keep looking.

  21. scannedthoughts replied:

    thanks, enaj. totoo nakaka-miss ang unang panahon. pero dapat focus din tayo sa “ngayong panahon” dahil ilang iglap lang, lumang panahon na rin ito.

  22. scannedthoughts replied:

    Wag kang matakot, shineli, sabi nga ng eraserheads:
    Huwag kang matakot na matulog mag-isa
    Huwag kang matakot na umibig at lumuha
    Huwag kang matakot na magmukhang tanga
    Huwag kang matakot sa hindi mo pa makita
    Kasama mo naman ako.

  23. Apple replied:

    Napanood ko ang video na ‘batang 90s’ sa youtube. Yung may kantang ‘Kanlungan’. Kaya ayan nag search pa ako ng mga posts tungkol sa mga magagandang memories nung 90s. Salamat dito. Nakakatuwang basahin at sobrang related ako. Ibang klase talaga buhay noon. Simple pero masaya at malaya. Thankful ako at naranasan ko ang mga iyon. The best. :)

  24. scannedthoughts replied:

    I agree, Apple. Masarap talaga isipin ang nakaraan: Simple at masaya. Pero mas importante na ang ngayon. Kailangan lang siguro, mag-focus tayo sa mga simple lang, gaya ng mga kaibigan, kapamilya, at mga bagay na libre o mura. Kasama sila, patuloy tayong gumawa ng mga kuwento na maaalala natin. Kadalasan ‘yun ang tunay na nagpapasaya sa buhay.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Trackback URI

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

%d bloggers like this: